Tuesday, October 28, 2008

Tatlong Obispo, 32 mga pari, mahigit 1124 katekista,mga madre sa Ruby Jubilee ng mga katekista

CALAMBA CITY – Ang Diosesis ng San Pablo, Laguna ay nagdiriwang ng ika-Apat na pong taong (40) selebrasyon or Ruby Jubilee ng Catechetical ministry na maghapong dinaluhan ng tatlong Obispo, tatlong po’t dalawa (32) ka mga pari, at mga isang libo’t isang daan at dalawampu’t apat na mga katekista na ginanap kahapon Lunes sa Montevista Hotspring Resort sa Pansol, lungsod ng Calamba.

Ang mga Obispong dumalo ay Kinabilangan nina Kagalanggalang Obispo Leo M. Drona, Obispo retirado Pedro N. Bantigue at Obispo Bernardino C. Cortez, Auxiliary Bishop ng Manila Arsidiosesis.

Sinimulan ang maghapon hanggang hatinggabing selebrasyon kahapon (Lunes, Oktubre 27, 2008) sa motorkada ng mga katekista sa mga alas siyete ng umaga mula sa mga bayan ng San Pedro at Santa Maria patungo sa pinagdausang lugar sa Montevista, Calamba City.
Sinundan ito ng Misa Konselebrada sa pamumuno ni Obispo Drona kabilang ang dalawang Obispo at mga miyembro ng San Pablo Clergy.

Tampok sa pagabihang Ruby Jubilee Celebration ang panayam ni Obispo Cortez na tumalakay ng “Retrospect and Prospects in Catechetical Ministry and Life” at ang panayam ni Msgr. Gerry Santos na masiglang tumalakay ng “Updates on Catechesis and Commitment.”

Sangayon kay Padre Totsie C. Ubarco, ang Diocesan Catechetical Director at pinakapinunong abala sa buong selebrasyon, ang pinakamabigat na hamon ng mga katekista sa kasalukuyan ay kung paano nila maituro sa mga batang estudyante ang mga pangaral ng simbahan at maisagawa ito sa konkretong buhay. 

Sa mahalagang Jubilee Celebration na ito minabuti ring isinagawa ang pagbigay parangal sa pinakamatiyaga, pinakamatanda at pinakamahabang nagturo bilang katekista sa buong diosesis na nagsimulang nagturo nuong katorse anyos pa lamang siya bago ang Second World War.
Siya’y si Lola Cesaria o’ “Nanay Saria” Tetular, otsenta y siyete anyos (87), balo, na nakatira sa brgy Bautista sa Parokya ng San Gabriel Arkanghel, Lungsod ng San Pablo. At sinabi niya na wala pa siyang balak magretiro sa pagkakatekista. 

Sa programang umabot ng halos hating gabi na ng umaga naaliw ang lahat nang sumayaw ang pari at mga madre ng Missionary Catechists of St. Therese (MCST) ng modernong sayaw sa bulwagang pinagdausan.

Itinampok din bilang panghuling pasiklab ang Raffle Draw at pagkorona ng Ginoo at Ginang Katekista na kung saan nanalo ang candidate ng District IV sa Baybay Area ng Laguna. FR. ROMULO O. PONTE